Drive-thru vaccination site, posibleng maitayo bago matapos ang buwan ng Mayo

Naniniwala ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na posibleng maitayo ang drive-thru vaccination site bago matapos ang buwang kasalukuyan.

Ito’y makaraang makipag-ugnayan sila sa Parañaque City Government para sa planong pagtatayo ng COVID-19 vaccination facility sa lungsod.

Ayon kay PITX Corporate Affairs and Government Relations head Jason Salvador, maluwag umano ang ikatlong palapag ng naturang Terminal na ginagamit bilang Parking lot ng mga pribadong sasakyan at nakakonekta sa LRT-1 Extension Project.


Paliwanag ni Salvador, ang ground floor ng PITX ay nagsisilbing departure bay para sa mga bus, taxi at jeepney habang ang ikalawang palapag naman ay para sa arrival bay.

Matatandaan na una nang sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na sa Hunyo ay target nilang itaas sa 5,400 residente kada araw ang babakunahan laban COVID-19.

Tiniyak naman ng alkalde na ngayong buwan ng Mayo ay gagamitin na nila ang lahat ng brand ng COVID-19 vaccine na ipinamahagi ng national government.

Facebook Comments