
Sinuspinde na ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 araw ang lisensya ng driver ng sasakyang sangkot sa insidente sa Parañaque City.
Ito ay kasunod ng show cause order na inisyu ng ahensya laban sa may-ari at driver ng isang Mitsubishi Mirage kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon.
Ayon sa LTO, inilagay na sa alarma ang naturang sasakyan matapos itong makabangga at tumakas sa Parañaque.
Inatasan din ang mga ito na magsumite ng sworn statement upang ipaliwanag kung bakit hindi sila dapat kasuhan ng Reckless Driving at paglabag sa Duty of the Driver in Case of Accident, at kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Obligado rin silang humarap sa pagdinig na itinakda sa LTO Central Office sa Pebrero 26, 2026.
Sa viral post sa social media, makikita ang pagbangga ng sasakyan sa nakaparadang motorsiklo at pagtama sa isang pedestrian bago bumangga sa isa pang nakaparadang e-bike. Sa halip na tumulong, pinili umanong tumakas ng driver.










