
Muling bumalik sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang driver at personal assistant ng artistang si Rhian Ramos.
Ito ay kaugnay ng reklamo laban sa aktres at sa actress-beauty queen na si Michelle Dee at isa pang beauty queen na si Samantha Panlilio.
Ayon sa NBI, kailangan kuhanin ang karagdagang pahayag ni alyas “Totoy” upang linawin ang ilang detalye hinggil sa insidente. Parte pa rin ito ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng ahensya.
Nakasombrero at nakabalot ang mukha si “Totoy” sa kanyang pagdating sa NBI, at tanging kapatid lamang ang kasama.
Kahapon ay pormal nang nagsampa ng reklamo si “Totoy” sa NBI, kasama ang pangulo ng Violence Against Crime and Corruption, si Boy Arsenio Evangelista.
Ayon sa driver, ikinulong at binugbog siya dahil sa akusasyon ng pagnanakaw ng angpao na may mga pribadong larawan.
Una nang iginiit ng kampo nina Ramos at Dee na walang nangyaring illegal detention at wala ring bakas ng pananakit sa driver ni Ramos. Ayon sa kanila, posibleng gumanti lamang si driver dahil sa kasong theft na isinampa laban sa kaniya noon.










