Driver na may dalang baril, arestado sa insidente ng road rage sa Iligan City

Arestado ang 39-anyos na lalaki matapos ang insidente ng road rage o away sa kalsada bandang 4:30 ng hapon, araw ng Martes, Agosto 19, sa Macapagal Avenue, Barangay Tubod, Iligan City.

Ang suspek, residente ng San Agustin, Maynila, ay sakay ng isang puting Fortuner.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ayon sa reklamo ng biktima, biglang sumingit ang sasakyan ng suspek habang bumibiyahe sila sa naturang kalsada.

Pagkadaan nito, binuksan ng suspek ang bintana ng sasakyan at ipinakita ang isang kalibre .45 na baril.

Dahil sa agarang tawag sa 911, mabilis na rumesponde ang pulisya at na-hold ang suspek sa isang gasolinahan sa Barangay Poblacion.

Sa pamamagitan ng search warrant, natagpuan sa loob ng sasakyan ang isang kalibre .40 na baril, isang steel magazine, at 14 na bala.

Ang naarestong suspek kasama ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Police Station 4 para sa karagdagang disposisyon.

Facebook Comments