Driver na nakasagasa at nakapatay sa nurse sa Maynila, sumuko na

Sumuko na ang motoristang nakabundol at nakapatay sa isang nurse sa Maynila.

Si Mohamad Ali Sulaiman, na naka-hit-and-run at nakapatay sa nurse na si Renz Jayson Perez ay sumuko sa tanggapan ni Manila City Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Si Sulaiman ay sinamahan ng kaniyang kapatid na babae na si Sauda Bacaye, na siya ring may-ari ng itim na Mitsubishi pick-up na nabundol sa nurse.


Sinamahan din ang suspek ng kanyang abogado na si Atty. William Delos Santos at ni Metro Manila Muslim Community for Justice and Peace chairman Datu Basher ‘Bong’ Alonto.

Gabi noong August 23 nang mabundol ni Sulaiman si Perez habang nagbibisikleta.

Humingi ng paumanhin sa publiko si Sulaiman at sinabi nitong natakot lamang siya kaya natagalan bago sumuko.

Humingi rin ang suspek ng kapatawaran sa pamilya ni Perez.

Facebook Comments