Driver ng 18-wheeler trailer truck na nakaaksidente Batasan, San Mateo Road sa QC, nakakulong na sa QCPD

Nasa kustodiya na ng District Traffic Sector 5 Quezon City Police District (QCPD) ang driver ng 18-wheeler trailer truck na naging dahilan ng aksidente kagabi sa Batasan, San Mateo Road sa Quezon City na ikinasawi ng tatlong katao at nagtamo ng sugat ang pitong tao.

Bakas pa rin ang iniwang malalang pinsala ng truck.

Kinilala ang truck driver na si Erwil Domingo, 38 anyos, residente ng Angat, Bustos, Bulacan.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni P/Senior Master Sgt. Christopher Israel ng District Traffic Sector 5 QCPD, kahit natanggal na ang mismong truck ay naiwan pa rin sa tabi ng kalsada ang container van na karga ng trailer truck.

Sa kuha ng dashcam video ni Kristine Camille Villanueva, makikita ang mabilis na takbo ng trailer truck at ilang sandali pa ay tumagilid na ito.

Matapos nito, naiwan ang container van na karga ng truck pero ang mismong truck ay nagtuloy-tuloy at saka sinalpok ang mga kasunod at kasalubong na sasakyan matapos na tumawid sa kabilang kalsada.

Nasalpok din ng truck ang isang waiting shed kung saan mayroong naghihintay na lalaki na kabilang sa mga nasawi.

Kabilang sa inararo ng truck ay isang kotse, isang AUV, at tatlong motorsiklo.

Maliban dito, isang angkas ng motorsiklo ang patay habang isa pang hindi kilalang indibidwal ang nasawi rin sa naturang aksidente.

Sa salaysay ng driver, nawalan umano siya ng giya matapos na hindi kumagat ang preno ng kanyang truck.

Galing umano sila ng Maynila at magde-deliver sana sa Marikina City nang mangyari ang banggaan.

Nahaharap sa kasong kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homcide, Multiple Injuries, at Damage To Properties ang driver ng truck.

Facebook Comments