Driver ng Buenasher Bus Transport na nasangkot sa aksidente sa NLEX, isinailalim sa drug test

Hinihintay na lamang ng Valenzuela PNP ang resulta ng isinagawang drug test sa driver ng Buenasher Bus na nasangkot sa aksidente sa NLEX nitong Biyernes ng gabi na ikinamatay ng walong katao at ikinasugat ng 15 iba pa.

Matatandaang binabagtas ng bus na Buenasher Transport Corp. Na may plate no. na AGA-8610 ang northbound lane ng NLEX na galing EDSA-Cubao papuntang Santa Maria Bulacan nang banggain ng bus ang isang AUV.

Dito tumilapon ang ilang pasahero ng bus sa northbound lane ng NLEX.


Ayon kay Valenzuela chief of police, Colonel Carlito Garces – wala kasi sa katinuan ang driver na si Victorio Delos Reyes nang makausap niya ito dulot ng nangyaring aksidente.

Sinabi rin ni Garces – nasampahan na rin ng kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries at damage to property ang driver.

Nagpaabot na ng tulong ang pamunuan ng bus company sa mga nagsugatan at pamilya ng mga namatayan.

Aminado naman ang mga kaanak ng mga namatay na hirap pa rin silang matanggap ang pagkamatay ng mga biktima.

Kinumpirma naman ng team leader ng Valenzuela City Disaster Office na si Jefferson Roman na hindi overloaded ang dahilan ng pagbaligtad ng nasabing bus.

Samantala, inamin naman ng Valenzuela Disaster Risk Reduction Office na natagalan din sila sa pagresponde sa nangyaring insidente.

Facebook Comments