
Cauayan City – Ipinapatawag ng Land Transportation Office Region 2 ang driver ng dump truck na bumangga sa isang jeep sa National Highway, ng Brgy. Mambabanga, Luna, Isabela noong, ika-21 ng Enero.
Matatandaang 3 ang nasawi habang 8 indibidwal naman ang sugatan matapos ang insidente.
Ayon sa show cause order na inisyu ng LTO Region 2, lumabag sa batas trapiko ang driver sa kasong Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle. Dahil dito, binibigyan siya ng tatlong araw para magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin ang kanyang lisensya.
Kung mabibigo itong magbigay ng paliwanag, itinuturing na binabalewala niya ang kanyang karapatan na madinig ang kanyang panig sa nangyaring aksidente.
Tinututukan naman ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao ang kasong ito at tiniyak na mananagot sa batas ang driver. Nagpaalala rin ito sa lahat ng mga nagmamaneho na maging maingat at responsable sa paggamit ng kalsada upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.










