
Personal na inaresto ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Markus Lacanilao ang driver ng isang sports utility vehicle na gumamit ng illegal blinkers sa kahabaan ng Aurora Boulevard, Cubao, Quezon City.
Dahil dito ay dinala LTO Central Office ang SUV kung saan binigyan ng Temporary Operator’s Permit ang driver.
Sa pagbeberipika ng LTO enforcement service, napag-alaman na hindi kinabit ng driver ang plaka nito kahit na inisyu na ito noon pang 2023.
Dagdag pa rito, nadiskubre din na hindi tama ang motor vehicle file number ng sasakyan na nasa temporary template.
Bukod sa nilabag nitong batas trapiko, nakita ring may dala itong pekeng Armed Forces of the Philippines (AFP) ID at badge kaya agad na nakipag-ugnayan ang ahensya sa Quezon City Police District (QCPD).
Kung saan lumabas sa records ng pulisya na may e-warrant na inisyu ng korte na may kaugnayan sa iligal na droga laban sa driver.
Narekober din sa driver ng SUV ang toy gun at ilang bala ng caliber 9mm.
Mahaharap ang driver ng SUV sa patung-patong na reklamo kabilang na ang Failure to Attach License Plates in violation of Section 18 of Republic Act No. 4136, or the Land Transportation and Traffic Code, and for Use of Unauthorized Accessories under Presidential Decree No. 96.









