Driver ng pampasaherong jeep na sangkot sa aksidente na ikinamatay ng dalawang pasahero sa Commonwealth Avenue QC, sinuspinde ng LTO

Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw na suspension sa lisensiya sa pagmamaneho ang driver ng jeep na sangkot sa aksidente sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon.

Kasabay nito ay inisyuhan din ng LTO ng show cause order ang may-ari ng jeep maging ang driver na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat parusahan ng patong-patong na kaso.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, bukod sa dalawa na namatay ay pito pa ang malubhang nasugatan sa aksidente nang bumaliktad ang passenger jeep.

Inatasan din ang may-ari ng jeep na dalhin ang sasakyan sa LTO Central Office para sa inspeksyon at evaluation kasama ang mga dokumento ng kanyang prangkisa.

Batay sa inisyal na imbestigasyon at kuha ng CCTV camera, nasagi ng humaharurot na traditional jeepney ang isang modern jeep dahilan para ito ay tumagilid at tuluyang bumaliktad.

Dalawa pang sasakyan ang nadamay ng tradisyunal na jeep sa aksidente.

Nakakulong na ngayon ang tsuper ng jeep na nahaharap sa patong-patong na mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, damage to properties, multiple injuries at improper person to operate a motor vehicle.

Matapos ang insidente, inutusan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang LTO na palakasin ang road worthiness ng lahat ng sasakyan lalo na ang mga pampasahero na inaasahang maghahatid ng mga magsisiuwi sa iba’t ibang mga probinsya ngayong Semana Santa.

Facebook Comments