Thursday, February 12, 2026

Driver ng sasakyang nakasagasa sa estudyanteng tumalon sa LRT-1, nasa kustodiya pa rin ng awtoridad

Nasa kustodiya pa rin ng Quezon City Police District – Traffic Enforcement Unit Sector 6 ang driver ng kotseng nakasagasa sa estudyanteng tumalon mula sa Fernando Poe Jr. Station ng LRT-1.

Ayon sa tagapagsalita ng QCPD na si PMaj. Jennifer Gannaban na kasalukuyang inaayos ang mga dokumentong may kaugnayan sa insidente para sa gagawing inquest proceedings.

Dagdag pa niya na ihaharap ang driver sa piskalya at ang korte ang magdedetermina kung may pananagutan ba ang driver sa nangyaring insidente.

Matatandaang una nang naglabas ng pahayag ang Light Rail Management Corporation (LRMC) kung saan lumabas sa kanilang imbestigasyon ay kuha ng CCTV na tumalon umano ang biktima.

Habang ang dalawang dashcam naman ay makikita ang pagkahulog ng lalaki mula sa itaas at pagbagsak nito bago makaladkad ng puting sasakyan.

Facebook Comments