
Naglabas ang Land Transportation Office (LTO) sa pamamagitan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng Show Cause Order laban kay Kyle Erald Marquez Hizon na rehistradong may-ari at driver ng isang Suzuki Wagon.
Ito’y matapos maging viral ang sasakyan na tumatakbo sa isang protektadong coastal zone sa San Juan, La Union noong Nobyembre 12, 2025.
Napag-alaman na ang naturang lugar ay isang “nesting site” ng mga pawikan, na kabilang sa mga threatened species sa ilalim ng environmental laws.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang driver at mga sakay nito ay agad na inaresto ng San Juan Police na nakipag-coordinate sa San Juan Local Government Unit (LGU), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) at Coastal Underwater Resource Management Actions (CURMA).
Dahil dito, inatasan ni LTO chief, Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang owner at driver ng Suzuki Wagon na personal na humarap sa hearing ng LTO-IID sa LTO Central Office, East Avenue, Quezon City sa Nobyembre 26, 2025.
Kailangan din niyang magsumite ng isang verified o sinumpaang nakasulat na paliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa kasong administratibo para sa Reckless Driving at kung bakit hindi dapat suspendihin o kanselahin ang kanyang lisensya bilang isang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Kapag nakumpirma ang detalye ng kanyang driver’s license, agad itong isasailalim sa preventive suspension na sa loob ng 90 araw, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Samantala, ang nasabing Suzuki Wagon ay inilagay na sa ALARM status. Inutusan din ang driver na isuko ang kanyang lisensya sa araw ng itinakdang pagdinig.









