Isinailalim na sa inquest proceedings sa Batangas Prosecutors Office si Alajon Michael Zarate.
Si Zarate ang 47-anyos na driver ng van na naresto matapos na masamsam dito ang aabot sa halos isa’t kalahating tonelada ng shabu sa Alitagtag, Batangas noong Lunes.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban kay Zarate ang paglabag sa Section 5 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Bukod pa ito sa kasong may kinalaman sa RA 4136 o ang Act to Compile the Laws Relative to Land Transportation and Traffic Rules.
Mga abugado mula sa Public Attorney’s Office ang umasiste sa suspek na ngayon ay inilipat na sa custodial facility ng Batangas Police Provincial Office.
Samantala, sa ambush interview ng media sa Kampo Crame kay DILG Sec. Benhur Abalos Jr., na istriktong nasunod ang chain of custody at inventory sa nabanggit na isa sa itinuturing na pinakamalaking pagkakasamsam ng ilegal na droga sa kasaysayan ng bansa.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ang nabanggit na pinakamalakinng bulto ng ilegal na droga na nasamsam ng pulisya.