Driver ni dating DPWH Usec. Cabral, kinokonsiderang person of interest ng PNP; pamilya, tumanggi sa autopsy

Kinokonsidera ng Philippine National Police (PNP) bilang person of interest ang driver ng yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral kaugnay ng pagkasawi nito.

Sa isang ambush interview sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson at PIO Chief PBGen. Randulf Tuaño na nagbigay ng direktiba si PNP acting Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Regional Director ng Police Regional Office–Cordillera na tapusin ang imbestigasyon sa loob ng 36 na oras.

Ang nasabing palugit ay upang matukoy kung maaari nang alisin ang driver sa listahan ng person of interest sa pagkamatay ni Cabral.

Kaugnay nito, inatasan na rin ang Director ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na mag-take over at tumulong sa PRO Cordillera, kabilang ang pag-iisyu ng subpoena sa cellphone ni Cabral at ng kanyang driver, na kasalukuyang itinuturing na POI.

Ayon kay Tuaño, batay sa inisyal na imbestigasyon ng PRO Cordillera, labag umano sa normal na asal na iwan ng isang driver ang isang VIP sa liblib na lugar at babalikan lamang makalipas ang isa hanggang dalawang oras, lalo na kung walang dalang cellphone ang pinagsisilbihan.

Samantala, hindi pumayag ang pamilya ni Cabral na isailalim sa autopsy examination ang labi ng dating opisyal.

Dahil dito, ayon sa PNP, pinag-aaralan na ng kanilang mga legal officers ang mga posibleng hakbang upang matiyak na ang katawang narekober sa Tuba, Benguet ay tunay ngang kay Usec. Cabral.

Facebook Comments