
Tuluyan nang kinansela ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng dalawa pang tauhan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sina Jaypee de Leon Mendoza at Arjay Salvador Domasig matapos mapatunayang gumamit ng mga pekeng lisensya ang dalawa para makapasok sa mga casino.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, pinagmulta ang dalawa ng tig-₱3,000 sa kasong Imitation and False Representation sa ilalim ng Land Transportation and Traffic Code.
Ani Asec. Mendoza, ang paggamit ng pekeng lisensya ay malinaw na paglabag sa tiwala ng pamahalaan at banta sa kaligtasan ng publiko.
Una nang itinanggi nina Mendoza at Domasig na sila mismo ang nag-apply ng pekeng lisensya, subalit inamin ni Domasig na kinuha ang kaniyang ID at litrato nang bumisita siya sa casino kasama ang apat pang opisyal ng DPWH.
Sa ngayon, isinailalim na rin sa alarma ng LTO ang driver’s license ng dalawa.









