DRIVER’S LICENSE NG MGA MOTORISTANG LUMABAG SA BATAS TRAPIKO, HINDI MAAARING KUMPISKAHIN — LTO REGION 1

Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) Region I na ang mga driver’s license ng motorista na mahuhuling lumabag sa batas trapiko ay hindi maaaring kumpiskahin sa oras ng apprehension, bilang bahagi ng bagong patakaran sa pagsasaayos ng mga traffic violation fines.

Ayon kay Regional Director Glorioso Daniel Z. Martinez, ang patakarang ito ay nakasaad sa Department of Transportation (DOTr) Transportation Memorandum Circular No. 2026-001 at LTO Memorandum Circular No. MVL-2026-4846, na nagtatakda ng mga alituntunin para sa standardized na 15-day settlement period para sa traffic fines.

Binanggit niya na ang naturang panahon ay bibilangin sa working days mula sa petsa ng paglabag, at hindi isasama ang weekends, non-working holidays, at iba pang araw kung kailan suspendido ang trabaho ng pamahalaan.

Ipinabatid din ni Martinez sa ginanap na regionwide flag ceremony noong Lunes, Enero 12, 2026, na ang LTO Region I ay patuloy na nagsusulong ng malinaw at pantay na pagpapatupad ng batas trapiko, alinsunod sa prinsipyo ng transparency, accountability, at disiplinadong serbisyo publiko.

Dagdag pa niya, ang pagkakaisa at pare-parehong implementasyon ng patakaran sa lahat ng tanggapan ng LTO sa rehiyon ay mahalaga upang mapanatili ang tiwala ng publiko at maitaguyod ang kaligtasan sa kalsada.

Facebook Comments