
Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 day preventive suspension ang lisensya ng isang motor rider na nag-viral sa social media dahil sa pagsasayaw sa ibabaw ng motorsiklo habang nasa gitna ng traffic.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, nagpalabas na sila ng show cause order laban sa driver at sa registered owner ng motorsiklo upang pagpaliwanagin sila kung bakit di sila dapat papanagutin sa nangyaring insidente.
Batay sa social media post, makikita ang rider, na residente ng Binondo, Manila, na nakatayo at tila nagsasayaw sa ibabaw ng motorsiklo habang nakahinto sa traffic.
Ayon sa LTO, nangyari ang insidente sa gitna ng kalsada at nakikita ng ibang motorista.
Itinakda ni LTO Intelligence and Investigation Division, Chief Renante Melitante ang pagdinig sa
August 20.
Ipinapasuko na rin ni Melitante ang driver’s license ng nasabing rider bago ang naturang petsa.
Sa sandaling di lumutang at magsumite ng sagot ang rider ay itutuloy na ng LTO ang kaso laban sa kaniya batay sa hawak nilang ebidensya.









