Driver’s license ng motorista sa viral road rage sa Taguig, sinuspinde ng LTO

COURTESY: Bhadong Caldozo

Tuluyan nang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) sa loob ng 90 days ang driver’s license ng motoristang sumagasa sa traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Taguig City noong August 27.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na bukod dito, naka-alarma na rin ang pulang Hyundai Stargazer na may plakang NHF588.

Sumulat na rin sa LTO si MMDA acting Chairperson Atty. Romando Artes habang isinasagawa ang imbestigasyon.


Naglabas na rin ng show cause order (SCO) ang LTO para paharapin ang may-ari ng Hyundai Stargazer sa pagdinig sa LTO Central Office sa September 3.

Dapat aniyang ipaliwanag ng driver kung bakit hindi siya dapat patawan ng kaparusahan.

Magugunita na pinara ng traffic enforcer ang motorista dahil nabangga nito ang isang motorsiklo. Pero sa halip na hintuan ang traffic enforcer, dumiretso ito ng takbo hanggang pumaibabaw sa hood ng sasakyan ang traffic enforcer.

Humingi na ng paumanhin sa insidente ang driver pero desidido ang traffric enforcer na ituloy ang pagsasampa ng reklamo.

Facebook Comments