DROGA, BARIL, GRANADA, NAKUMPISKA SA ISANG MANGINGISDA

CAUAYAN CITY – Sa kulungan ang bagsak ng isang mangingisda matapos itong masamsaman ng hindi lisensyadong baril, granada, at iligal na droga sa ikinasang search warrant sa Brgy. Pata, Claveria Cagayan.

Nakilala ang suspek na sa alyas na Chris, 37-anyos, at residente ng nabanggit na barangay.

Sa nakuhang impormasyon ng iFM News, una rito ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa pag-iingat umano ng baril ng suspek.


Kaya naman minanmanan muna ito at ng maglabas na ng search warrant ang korte ay kaagad itong isinilbi sa mismong tahanan ng suspek at dito positibong nasamsam ang isang baril na caliber 38 revolver na may mga bala gayundin ang isang hand grenade na nakatago pa sa basket ng mga labahing damit.

Maliban dito, nakakita rin ang mga operatiba ng anim (6) na sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia.

Sa ngayon, nahaharap sa patung-patong na kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek na nasa kustodiya na ng pulisya.

Facebook Comments