Droga ipinuslit sa coffee beans, nadiskubre ng pulisya sa Italy

Guardia di Finanza

‘Di nakalusot sa awtoridad sa Italy ang 130 gramo ng cocaine na isiniksik sa loob ng coffee beans.

Ayon sa Guardia di Finanza, dumating sa airport noong Biyernes ang kahina-hinalang 2kg package ng coffee beans na mula sa Colombia.

Nagpasya umano ang customs na buksan ang padala matapos mapansing nakapangalan ito sa karakter na si Santino D’Antonio, na isang Mafia boss sa pelikulang “John Wick: Chapter 2”.


Higit 500 coffee beans ang nadiskubre ng awtoridad na pinalamanan ng cocaine at muling sinara gamit ang tape na kulay dark brown din.

Sinundan ng pulisya ang package na ibinagsak sa tobacco shop sa Florence, at inaresto ang isang 50-anyos na lalaking nagtangkang kunin ito.

Napag-alaman na dati na ring naaresto sa kasong droga ang matanda na nakarehistro sa Medellin, Colombia.

Tinawag naman ng pulisya ang natapos na operasyon na “caffè scorretto” na ang ibig sabihin ay maling kape — kabaliktaran sa sikat nilang inumin na “caffè corretto” o corrected coffee.

Facebook Comments