Matapos ang isang buwang surveillance, nakumpirma nang pinagsanib na pwersa ng Philippine Army Intelligence Team, Philippine Drug Enforcement Agency at Taguig City Police Anti-Drug Operatives na ginawang drug den ng mga construction workers ang kampo mismo ng Philippine Army.
Ayon kay Army Public Affairs Chief Col. Xerxes Trinidad, naaresto ng mga awtoridad ang 13 manggagawa kung saan nakasabat din sila ng shabu na may street value na P88,000.
Base sa salaysay ng mga suspek, iniipon nila ang kanilang kita para may maipambili ng droga upang manatiling alerto at aktibo sa kanilang trabaho.
Sinabi pa ni Trinidad na ang mga ito ay kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kasunod nito, iginiit ng Philippine Army na hindi nila tino-tolerate o kinukunsinti ang ganitong mga iligal na aktibidad lalo na sa kanilang mga kampo na tinaguriang designated drug free zone.