Drug high value target na sangkot din sa kidnap for ransom activities sa Cebu City, napatay sa operasyon ng PNP-AKG

Sa kabila ng mataas na kaso ng COVID -19 sa Cebu City, napatay ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang drug high value target na sangkot sa kidnap for ransom activities sa Cebu City.

Sa ulat ni PNP-AKG Director Brigadier General Jonnel Estomo, ang nasawing drug suspek ay kinilalang si Jeovani Bogo alyas ‘Vani’ na kasama sa listahan ng drug high value target at sangkot sa kidnap for ransom activities sa bahagi ng Cebu.

Aniya, alas-11:15 ng gabi kamakalawa nang isagawa ang operasyon sa mismong bahay ni Bogo sa Sitio Bantayan, Brgy. Tungko, Minglanilla, Cebu.


Naglalakad pa lamang aniya ang mga operatiba papunta sa bahay ng suspek nang bigla silang pagbabarilin ng suspek.

Dahil dito, gumanti ng putok ang mga pulis dahilan ng pagkamatay ng suspek.

Narekober ng mga pulis sa pinangyarihan ng operasyon ang isang 38 caliber revolver, tatlong live ammunitions at tatlong basyo ng bala.

Isinailalim naman sa autopsy ang bangkay ng suspek.

Ayon kay Estomo, si Bogo ay sangkot sa pagdukot sa fitness instructor na si John Welkie Ibones sa Cebu City noong June 2, 2020.

Bukod dito sa sangkot din ang suspek sa gun running at drug activities sa Cebu City Province.

Facebook Comments