Wala pang kumpirmasyon kung nakalabas na nga ng bansa ang Cebu-based businessman at umano’y drug lord na si Peter Lim.
Ito ang sinabi ngayon ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque taliwas sa naunang impormasyon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na ito ay nakapuslit na palabas ng bansa kamakailan.
Ayon kay Roque, wala umanong record ang Bureau of Immigration (BI) na nakalabas na ng bansa si Lim.
Pero magkagayunman, sakaling nakalabas na nga ito ng bansa ay nasa ilalim na ito ng watchlist ng Interpol.
Gumagawa na rin aniya ng hakbang ang Department of Justice (DOJ) upang makansela ang pasaporte ni Lim at inaalerto ang ilang mga bansa na posibleng puntahan ng pugante.
Si Lim at kanyang kapatid ang sinasabing campaign supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016.