Sang-ayon ang mga senador na tatakbo sa 2022 elections na isailalim sa drug test ang mga kandidato.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, ito ay nakapaloob sa isinulong nyang Republic Act 9165 pero idineklarang unconstitutional ng Supreme Court.
Si Sotto na kandidato sa pagkabise presidente ay handang magpa-drug test ng boluntaryo.
Si presidential aspirant Senator Ronald “Bato” dela Rosa ay sang-ayon na magkaroon ng mandatory drug test sa lahat ng presidential candidates.
Katwiran pa ni Dela Rosa kung ang security guard na nagbabantay lang ng isang establisyemento ay required na magpa-drug test ay magiging unfair kung exempted dito ang presidente na magbabantay at mamumuno sa buong bansa.
Si Senator Manny Pacquiao na tumatakbo sa pagkapangulo ay pabor na bago magsimula ang kampanya ay sabay-sabay na magpapa-drug test ang lahat ng mga kandidato.
Diin ni Pacquiao, dapat lang ipakita sa publiko na malinis silang mga kandidato lalo na sa ilegal na droga.
Wala naman problema kay presidential aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagpapa -drug test dahil kahit kelan ay hindi siya naging adik sa droga.
Sa katunayan, ayon kay Lacson, lahat ng kandidato ay mainam na sumailalim sa random testing dahil ang drug toxins ay maaring mawala sa loob ng 72 oras.