Manila, Philippines – Nakatakdang isampa ng Department of Justice (DOJ) ngayong araw ang kasong kriminal laban sa self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa at mga kapwa akusado dahil sa pagkakasangkot sa illegal drug trade.
Ayon kay Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, chairperson ng Second Panel of Prosecutors na humahawak ng kaso – ihahain nila ang kaso sa Makati City Regional Trial Court.
Una nang nag-isyu ang second panel ng resolusyon na may probable cause para kasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Espinosa at mga kapwa akusado na sina Convicted Drug Lord Peter Co, Marcelo Adorco, Lovely Impal at Ruel Malindagan.
Pinagbigyan din ng second panel ang hiling ng suspected drug lord na si Peter Lim na magkaroon ng hiwalay na preliminary investigation para sa kanya.
Sa ngayon, binubuo na ng second panel ang draft ng resolution hinggil sa mga akusasyon laban kay Lim.