Dry run ng HOV lane, sisimulan ngayong araw

Manila, Philippines – Aarangkada ngayong araw ang dry run para sa “High Occupancy Vehicle (HOV) lane,” na magbabawal sa mga sasakyang isa lang ang sakay sa isang lane sa EDSA.

Mula ito sa panukala ng Metro Manila Council na italaga ang innermost left lane o fifth lane ng EDSA para sa mga sasakyang may dalawa o higit pang sakay.

Ibig sabihin, maiiwan ang third at fourth lane para sa mga pribadong sasakyang isa lang ang sakay.


Ang una at ikalawang lane naman ay yellow lane para sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay MMDA Spokesperson Celine Pialago, alas-6 ng umaga magsisimula ang dry run sa buong EDSA mula Monumento sa Caloocan hanggang Pasay.

Aniya, dahil dry run pa lamang ay hindi muna manghuhuli ang mga tauhan ng MMDA sa mga lalabag dito.

Paiiralin din aniya ang “no contact policy” na gagamit ng mga CCTV at iba pang digital camera o teknolohiya para mahuli ang mga lalabag.

Batay sa datos ng MMDA, 90% ng dumadaan sa EDSA ay mga pribadong sasakyan at 60% hanggang 70% dito ay ang nagmamaneho lang ang sakay.

Facebook Comments