*Cauayan City, Isabela-* Nakatakdang isagawa ang Dry Run ngayong susunod na linggo sa planta gamit ang Thermal Oxidizer na magbibigay ng kuryente sa Lungsod ng Cauayan na matatagpuan sa brgy. San Pablo, Cauayan City, Isabela.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni City Mayor Bernard Dy ng Cauayan, na kanila na umano itong susubukan ngayong susunod na linggo gamit ang mga iba’t-ibang uri ng basura na siyang sasalain ng Thermal Oxidizer Plant upang maging enerhiya.
Ayon pa sa alkalde na kung magiging maganda ang resulta ng kanilang isasagawang Dry run mula sa 25 tons ng mga basura sa kada araw ay kanila umano itong dadagdagan upang mas malaki ang magawang enerhiya at mas maraming basura ang ma-convert sa enerhiya ng thermal plant ng Lungsod ng Cauayan.
Nilinaw naman ng alkalde na hindi umano nito malalabag ang RA 8749 ng Pilipinas o Clean Air Act dahil hindi naman umano susunugin ang mga basura upang maging enerhiya.
Malaking tulong na rin umano ito sa mga Cauayenos upang mabigyan ng sapat na kuryente at makamit na rin umano ang Zero waste sa Lungsod ng Cauayan.