Dry-run para sa Single Ticketing System, ikakasa sa Abril ayon sa MMDA

Nakatakdang isagawa ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang dry-run para sa pagpapatupad ng Single Ticketing System sa una o ikalawang linggo ng Abril.

Ito ang inanunsyo ni MMDA Acting Chairman, Atty. Romando Artes kasunod ng isinagawang pagpupulong kahapon ng Metro Manila Council o MMC.

Ayon kay Atty. Artes, malapit na ang full implementation sa nasabing bagong polisiya subalit kinakailangan lang nilang magsagawa ng dry-run upang mapataas ang kamalayan ng publiko hinggil dito.


Dagdag pa ni Atty. Artes, 7 lokal na Pamahalaan sa Metro Manila ang nagpahayag ng kanilang kahandaan para sa naturang dry-run partikular na ang San Juan, Muntinlupa, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Manila at Caloocan.

Magugunitang inaprubahan ng MMC ang pag-adopt ng single ticketing system alinsunod sa Metro Manila Traffic Code of 2023 na nagbibigay ng interconnectivity sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagmamando ng trapiko.

Paliwanag pa ni Artes na bumabalangkas na rin ng memorandum of agreement ang Land Transportation Office o LTO sa iba’t ibang lokal na pamahalaan patungkol sa interconnectivity at data privacy agreement.

Sa kaniyang panig, sinabi ni Metro Manila Council at San Juan City Mayor Francis Zamora na mahalaga ang single ticketing system dahil magbebenepisyo rito ang mga motorista dahil pinadali na ang pagbabayad sa kanilang penalty sa bayad center o mobile app.

Facebook Comments