
Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagpasok ng bansa sa tagtuyot o dry season.
Ito ay kasunod ng termination ng pag-iral ng Hanging Amihan o northeast monsoon na siyang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng summer season.
Gayunpaman, sabi ng PAGASA-DOST ang mga lugar sa Hilagang Luzon ay maaaring makaranas pa rin ng mga paminsan-minsang mga paghangin mula sa Hilagang-Silangan.
Dahil dito, sabi ng PAGASA-DOST, mula ngayon ay unti-unti nang magiging mas mainit ang panahon bagaman may mga thunderstorm pa rin na maaaring maranasan sa ilang mga lugar.
Pinapayuhan din ng weather bureau ang publiko na magpatupad ng mga hakbang sa pag-iingat upang mabawasan ang pagkakaroon ng heat stress na dulot ng matinding init at magpatupad ng mga pagtitipid sa paggamit ng tubig.