*Cauayan City, Isabela- *Nagsimula na ngayong araw, Agosto 6, 2018 ang paglalagay ng Public Order and Safety Division o POSD Cauayan ng mga signages sa mga lansangan dito sa Poblacion area na maaapektuhan sa isasagawang dryrun para sa one-way at U-turn zone dito sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Deputy Chief Antonio De Luna ng POSD Cauayan, magsisimula umano ang kanilang isasagawang dryrun kung matatapos lahat ang kanilang paglalagay ng mga signages sa mga maapektuhang lansangan.
Aniya, kanila umanong uunahin ang pagpapatupad ng oneway zone sa lansangan ng Africano, Dalupang street at FL Dy Street.
Samantala, marami na umano sa mga motorista ang nahuli ng POSD na hindi sumusunod sa No Helmet, No Driving policy kung saan ay nasa mahigit dalawang daang motorista na ang kanilang nahuli at nasa limampung motorsiklo naman ang na-impound sa kanilang himpilan.
Nananawagan rin si Deputy Chief De Luna sa lahat ng mga motorista na makiisa sa kanilang ipinapatupad na pulisiya dito sa Lungsod ng Cauayan upang maiwasan ang anumang aberya.