
Inilagay na sa watchlist ng Bureau of Immigration (BI) ang Amerikanong pastor na sangkot sa pang-aabuso sa 156 na mga bata na inaalagaan sa kaniyang church organization.
Kasabay na rin ito ng naging rekomendasyon ng Prosecutors Office matapos makitaan ng batayan na sampahan si Pastor Jeremy Ferguson ng dalawang kaso ng paglabag sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Inatasan na rin ang Pampanga Police na ilipat sa isang jail facility sa Metro Manila ang pastor habang hinaharap nito ang mga kaso na isinampa laban sa kaniya ng DSWD .
Nauna rito, mabilis na umaksyon si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian para protektahan ang 78 na batang lalaki at 78 na batang babae na na sa ilalim ng pangangalaga ng simbahan ni Ferguson matapos na ang ilan sa kanila ay nagsumbong na sila ay pinagmamalupitan .
Ito’y nang magsagawa ng regular na pagbisita ang DSWD sa mga pribadong pasilidad doon noong Agosto 12.
Napatunayan din ng DSWD ang hindi pagsunod ng naturang child care facility sa mga pamantayan ng ahensiya na nagsisiguro sa proteksyon ng mga bata.
Si Ferguson ay ililipat sa isang BI Detention sa Bicutan, Taguig City, matapos na i-raffle ng Regional Trial Court sa San Fernando City ang kaso.
Pinayagan ng korte ang pastor na makapagpiyansa ng ₱80,000 bawat bilang ng kaso.
Gayunman, hindi pa umano mapapalaya si Ferguson dahil sa kaniyang Immigration case.









