Aminado ang Department of Social Welfare and Development na mabagal ang distrubusyon ng ikalawang tranche ng emergency cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa interview ng RMN Manila kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, sa ngayon ay nasa 26 percent pa lang ang kanilang payouts, malayo pa sa target nila na 80% payout nitong katapusan ng Hulyo.
Mula sa target na 12 million beneficiaries ng SAP 2, sa ngayon ay nasa 3.2 million na benepisyaryo na ang nabibigyan ng ayuda na nagkakahalaga ng 19 billion pesos.
Ayon kay Paje, isa sa mga nagiging problema sa mabagal na pamamahagi ng SAP ay ang delay na pagbibigay ng listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa mga Local Government Unit, pag-encode ng duplicated list of beneficiaries at ang pagpunta sa mga liblib na lugar.
Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na ginagawa nila ang lahat ng paraan para mapabilis ang pamamahagi ng ikalawang bugso ng ayuda.
Samantala, nilinaw sa interview ng RMN Manila ni DSWD Assistant Regional Director for Operations Shalaine Marie Lucero na ang mga lugar lang sa Region 7 na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang mabibigyan ng SAP 2 at ang nasa 160,000 na mga kwalipikado na una nang hindi nabigyan sa SAP 1.
Sa ngayon ay nasa 34 LGUs na ang nakapagbigay sa DSWD Region 7 ng mga pangalan ng mga benepisyaryo.
Samantala, umabot naman na sa mahigit P13.45 billion ang halaga ng relief packs na naipamahagi ng DSWD sa mga pamilyang labis na apektado ng community quarantine dahil sa COVID-19.