Paiigtingin pa ng pamahalaan ang pagsusulong ng ‘child rights protection’ sa bansa.
Ito ay matapos dumalo si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Dialogue on the United Nations Convention on the Rights of the Child sa Manila Diamond Residences Hotel sa Makati City ngayong araw.
Layon ng dalawang araw na dialogue na magsilbing regional platform upang pag-usapan kung paano mas mapapabuti at paiigtingin ang pagsusulong sa ‘child rights protection’ sa rehiyon.
Sa talumpati ng kalihim, binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng naturang pulong upang matalakay ang best practices at kung paano pa mapapalakas ang kooperasyon ng mga bansang ASEAN sa usapin ng ‘child rights protection’.
Kabilang din sa tatalakayin ang epekto ng COVID-19, digital environment, climate change and the environment, gender and disability inclusions at iba pa.
Dumalo rin sa naturang pulong ang mga kinatawan ng 10 ASEAN member countries, at iba pang stakeholders na kaisa sa nasabing adbokasiya ng ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights.