DSWD at DA, pinakikilos para tulungan ang mga mahihirap na pamilyang apektado ng mataas na bilihin

Pinakikilos ni House Committee on Social Services Chairman Alfred Vargas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Agriculture (DA) para tulungan ang mga mahihirap na pamilyang apektado ng patuloy na pagtaas ng bilihin.

Giit ni Vargas, nakakabahala na tapos na ang holidays pero nananatili pa ring mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang produkto sa merkado.

Para maibsan ang problemang pinansyal ng mga mahihirap na Pilipino dahil sa napakamahal na presyo ng mga pagkain, makikipagugnayan si Vargas sa DSWD para aralin ang posibilidad ng pagpapalawig ng dagdag na tulong pinansyal partikular sa mga “food poor” o “borderline food-poor” o iyong mga pamilya na hindi na nakakain ng sapat.


Naniniwala ang kongresista na isa itong isyu na dapat resolbahin lalo pa’t mas madaling magkasakit ang isang taong gutom.

Mananawagan din ang mambabatas sa DA na palawakin pa ang network ng kanilang ‘Kadiwa rolling stores’ para makabili ng sariwa at murang pagkain ang mga mahihirap na pamilya.

Bukod aniya sa makakatipid at mapupunan ang kumakalam na sikmura ng mga mahihirap ay magbebenepisyo din dito ang mga magsasaka dahil sa maibebenta agad ang kanilang mga pananim.

Facebook Comments