DSWD, bigong matapos ang SAP 2 distribution nitong Setyembre

Umapela ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko ng pang-unawa lalo na sa 1.2 million beneficiaries na hindi pa natatanggap ang kanilang emergency cash subsidy sa ilalim ng second tranche ng Social Amelioration Program (SAP) sa National Capital Region.

Ito ang pahayag ng kagawaran matapos mabigo muling matapos ang distribusyon ng SAP 2 sa katapusan ng Setyembre.

Ayon kay DSWD-NCR Regional Director Vicente Gregorio Tomas, ang mga kwalipikadong SAP beneficiaries na hindi pa nakatatanggap ng kanilang SAP 2 aid ay hindi kailangang mag-aalala dahil puspusan na ang ginagawa ng ahensya para mapadali ang pamamahagi ng ayuda.


“Naintindihan po namin ang hirap ng sitwasyon natin ngayon at mga pangangailangan na dagliang matanggap ang ayuda. Humihingi po kami ng pag-unawa sa ating mga kababayan lalo na dito po sa National Capital Region. Patuloy rin po ang ginagawang pagrerelease ng ating second tranche,” sabi ni Tomas.

Paliwanag ni Tomas, naaantala ang second tranche distribution dahil ang DSWD at ang financial service providers nito (FSPs) ay kailangang iproseso muli ang mga failed transactional accounts dahil sa kulang-kulang o hindi wastong inilagay impormasyon ng mga benepisyaryo.

Mula sa 3,202,249 target beneficiaries ng SAP sa NCR nasa 1,260,119 ang nakatanggap na ng kanilang ayuda.

Mula nitong October 1, sinabi ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao na higit ₱83.1 billion na halaga ng SAP 2 subsidies ang naipamahagi na sa 13.91 million families.

Facebook Comments