Gagamit na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang mode of payment para sa paglalabas ng mga cash subsidy para sa mga seniors.
Batay sa inilabas na memorandum circular, ipinauubaya na sa mga DSWD Field Offices ang pagdetermina ng pinakamabilis na delivery schemes para sa distribusyon ng social pension.
Kabilang sa mga mode of payment ay ang plaza-type payout at cash cards sa pamamagitan ng authorized government depository bank.
Naisama na rin dito ang fund transfers sa mga Local Government Unit (LGU) at ang payout sa pamamagitan ng money remittance companies.
Nakapaloob din sa memorandum circular ang binagong schedule ng distribusyon ng social pension.
Sa halip na quarterly basis, ipapamahagi na ito sa mga beneficiaries mula January-June at July-December.
Para sa nalalabing buwan ng 2022, ang mga benepisaryo ng programa na tumatanggap ng ₱500-monthly stipend ay matatanggap na nila ang kanilang pension sa second semester na may kabuuang P3,000.00.
Aabot na sa 3.4 million beneficiaries 86% ng kabuuang target na mabigyan ng social pension ang nakatanggap na ng pension para sa taong 2022.