DSWD, gagamit ng ibang Financial Service Providers para sa pamamahagi ng second tranche ng SAP

Gagamitin na rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang serbisyo ng iba’t ibang Financial Service Providers (FSPs) para gawing digital payment ang pamamahagi ng emergency cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).

Nakatakdang pumirma ang DSWD ng isang Memorandum of Agreement sa mga participating FSPs, kasama ang Land Bank of the Philippines (LBP) para isakatuparan ang inisyatiba.

Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, sa pamamagitan ng e-money accounts, mapapabilis ang disbursement ng SAP subsidy at maiiwasang magkumpul-kumpol ang mga benepisaryo para kuhanin ang kanilang ayuda.


Kabilang sa mga makakatuwang na FSPs ay ang GCash, RCBC, Robinsons Bank, PayMaya, Starpay at Unionbank.

Direktang ida-download ng LBP ang pondo sa mga FSP at kailangang makuha ng beneficiaries sa loob ng 24-oras.

Isinasapinal na ng DSWD ang mga importanteng detalye sa gagawing proseso ng distribusyon ng LBP at mga participating FSP.

Magsisimula na sa susunod na linggo ang digital payment ng second tranche ng SAP.

Facebook Comments