DSWD, gusto makita ang mga datos ukol sa 1.3 milyong benepisyaryong hindi nakatanggap ng SAP gamit ang Starpay app

Hinihingi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kay Senator Manny Pacquiao ang mga datos ukol sa 1.3 million na benepisyaro na bigong natanggap ang kanilang cash aid sa ilalim ng Social Amelioration program dahil sa paggamit ng Starpay e-wallet app.

Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, handa silang humarap sa investigating body at linawin ang mga alegasyon ng senador na may nawawala diumanong ₱10.4 billion na pondo ng SAP.

“Unang-una nais munang makita ng departamento ang datos na basehan ni Senator Pacquiao sa nabanggit na bilang ng mga benepisyaryo na nakuha ang kanilang ayuda sa pamamagitan ng pagdownload ng mismong app ng Starpay pero nais natin banggitin na ang ibang benepisyaryo ay nakatanggap ng financial aid sa pamamagitan ng conduits na affiliated sa financial service providers,” anang kalihim.


Ang Starpay conduits ay kinabibilangan ng MLhuiller, at USSC, at kabilang sa anim na financial service providers (FSPs) na tinapik ng DSWD para mapabilis ang pamamahagi ng second tranche ng Bayanihan 1.

“Katuwang ng FSPs ang mga conduits sapagkat base sa datos nakita na may mga benepisyaryo na walang smart phones or may data quality issues or data connectivity concerns kung kaya pinadalhan ang benepisyaryo ng reference numbers para ma-cash out ang kanilang ayuda,” sabi ni Bautista.

Sinabi pa ni Bautista na mag-uusap sila ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa mga naging alegasyon ni Pacquiao.

Samantala, sinabi naman ni DSWD Spokesperson Irene Dumlao wala pa silang natatanggap na request mula sa opisina ni Pacquiao para bigyan sila ng access sa mga reports ng ahensya ukol sa pagpapatupad ng SAP.

Facebook Comments