Tatalima ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpasa ng expenditure report para sa P207.6 billion para sa pagpapatupad ng una at ikalawang tranche ng emergency cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, handa silang isumite ang accounting report hinggil sa SAP.
Layunin aniya nito na maipakita ang transparency at accountability ng mga ahensyang nagpapatupad ng programa laban sa COVID-19.
Ang DSWD ay nagbigay ng P207.6 billion para sa first at second phase ng SAP, kung saan P197 billion ang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) habang ang P10.6 billion ay mula sa re-aligned budget ng DSWD.
Tiniyak ni Paje na ang ayuda ay napupunta sa mga tunay na nangangailangan sa pamamagitan ng mga isinasagawang validation process ng ahensya.
Batay sa August 10 report ng DBM, umabot sa P376.57 billion ang inilaan ng pamahalaan para sa iba’t ibang government agencies para sa COVID-19 response kung saan nakuha ng DSWD ang pinakamalaking parte nito na nasa P200.97 billion.