Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahandaan sa oras na palawakin pa ang sakop ng ipinatupad na bagong Alert Level System sa Metro Manila.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Glenda Relova, tantiyado na ang kakailanganing food packs sa buong bansa na ibibigay sa mga pamilyang maaapektuhan ng bagong panuntunan.
Sa katunayan, nakipag-ugnayan na rin ang departamento sa Department of Budget and Management (DBM) upang matiyak na sapat ang pondo rito.
Matatandaang nitong sabado, una nang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing na naghahanda na ang gobyerno para sa pagpapalawig ng bagong Alert Level System sa labas ng Metro Manila.
Sa ilalim ng Alert Level System, ang mga residente na sakop ng granular lockdown ay hindi papayagang lumabas ng tahanan maliban na lamang sa medical frontliners, mga parating o paalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) at may health emergencies.