Handang depensahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kongreso ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa gitna ng pagkwestiyon ng mga mambabatas sa programa.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na nirerespeto nila ang prerogatiba ng Kongreso pagdating sa budget kaya kung iimbitahan siya ay nakahanda siyang humarap para malinaw na maipaliwanag ang layunin ayuda.
Paliwanag pa ni Gatchalian na sa ilalim ng programa, nais nilang protektahan ang mga minimum wage earner sa epekto ng inflation.
Nakatuon lamang kasi aniya para sa mga mahihirap ang mga ayuda ng pamahalaan pero walang tulong sa mga manggagawang sapat lamang ang kita para maitawid ang pang-araw-araw na buhay.
Samantala, nilinaw naman ni Gatchalian na wala pa ni isang sentimong nagamit sa pondo ng AKAP.
Kasalukuyan pa aniyang binabalangkas ng ahensya ang mga panuntunan para sa programa.