Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na harapin ang pagdinig ng Kamara hinggil sa mga isyung may kinalaman sa pamamahagi ng cash subsidy sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Glen Paje, makakatiyak ang mababang kapulungan ng full cooperation mula sa ahensya.
Iginagalang nila ang desisyon ng mga lider ng Kamara na silipin ang sinasabing “mahaba” at “kumplikadong” proseso sa pamamahagi ng SAP benefits at kabiguang ikonsidera ang proposals ng ilang local officials sa kung paano mapapabilis ang proseso.
Sa pamamagitan ng pagdinig, maaaring magbigay ang mga mambabatas ng kanilang rekomendasyon na makakatulong sa kanilang mga programa.
Nabatid na naghain si House Speaker Alan Peter Cayetano ng House Resolution 973 para imbestigahan ang mabagal na pamamahagi ng SAP.