Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipatupad ang ikatlong bugso o third tranche ng Social Amelioration Program (SAP) kung mayroong batas na nagmamandato nito.
Ito ay kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, kailangang may maipasa ang Kongreso na batas na nagbibigay ng third tranche ng SAP para ipatupad nila ito.
Ang pahayag ng DSWD ay kasunod ng pagpapaubaya ng Malacañang sa Kongreso sa pagpapasya kung mamamahagi ng SAP 3 sa mga residenteng apektado ng MECQ.
Kaugnay nito, sinabi ni House Committee on Ways and Means Chaiperson, Albay 2nd District Representative Joey Salceda na isusulong ng Kamara na isama ang SAP 3 sa Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2).