DSWD, humiling ng dagdag pondo para sa mga lolo at lola na nasa mahigit 100 na ang edad

Lumiham na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Office of the President para humiling ng karagdagang pondo para sa mga lolo’t lola na umabot na sa mahigit 100 gulang.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo, kulang ang pondo nila para sa 600 centenarian na nakapilang tumanggap ng tig-₱100,000 financial aid mula sa pamahalaan.

Sinabi pa ni Tulfo, naiparating na rin nila sa budget hearing ng Kongreso ang hiling nilang additional fund upang maisama sa 2023 General Appropriations Act.


Samantala, ayon pa sa kalihim ay magandang balita ito dahil ibig sabihin lamang nito na humahaba na ang buhay ng mga Pilipino.

Umabot na kasi sa 600 na mga nakatatanda ang may edad na mahigit 100 taong gulang at tila lumalaki pa aniya ang bilang na ito.

Pero ang bad news lamang ayon sa kalihim ay bahagyang dumarami ang naghihintay ng ayudang ito kaya’t kailangan talaga aniyang madagdagan ang pondo para dito.

Facebook Comments