
Lumapit na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Senado para hilingin na amyendahan ang batas sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps (Republic Act 11310).
Ayon kay Senator Erwin Tulfo, nagsumite sa kanya si DSWD Secretary Rex Gatchalian ng mga amyenda sa batas at kabilang dito ang pag-aalis ng pitong taon na limit sa enrollment ng 4Ps.
Tinukoy sa report ng DSWD na mayroong 2.4 million na beneficiaries ang mapipilitang tanggalin sa programa kahit hindi pa gumaganda ang kanilang kalagayan kapag hindi inalis ang limitasyon.
Nais din aniya ng DSWD na ipaloob sa batas ang mahigpit na regulasyon sa pagtukoy ng mga pamilyang bibigyan ng cash grant o perang ayuda dahil sa pangaabuso ng ilan at may ilang nabibigyan pa rin kahit umasenso na.
Matatandaang sa SONA ni Pangulong Bongbong Marcos ay ipinag-utos niya ang expansion o pagpapalawak ng 4Ps para maipasok dito ang mga homeless at maiprayoridad sa libreng pag-aaral sa kolehiyo ang mga anak ng mga benepisyaryo.









