Naging maayos ang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan para sa mga apektado ng COVID-19 pandemic!
Ito ang binigyang-diin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasunod ng inaasahang pagtalakay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga nagawa ng kanyang administrasyon sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) mamayang hapon sa Batasang Pambansa.
Sa interview ng RMN Manila, ipinagmalaki ni DSWD Spokesperson Dir. Irene Dumlao na dumaan sa tamang proseso ang pamamahagi ng lahat ng ayuda, partikular ang Social Amelioration Program (SAP) sa mga mahihirap.
Ayon kay Dumlao, as of July 2021, umabot na sa 99.1 billion pesos ang naipamahagi sa tranche 1 ng SAP, 89.8 billion pesos sa tranche 2 habang nasa 5-billion pesos ang naibigay na subsidiya sa ilalim ng Bayanihan 2.
Tiniyak din ni Dumlao na sakaling maipasa ng Kongreso ang 405.6 billion pesos na Bayanihan 3 ay maayos din nilang maipapamahagi ang pondong ilalaan sa ayuda at siniguro na hindi magagamit ang pera sa 2022 presidential election.