Tiniyak ng pamunuan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na iimbestigahan ang panibagong kaso ng pagkaltas sa cash assistance.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, ang inirereklamo naman ngayon ay isang coordinator na nagtatrabaho sa isang local official sa Cagayan de Oro City.
Batay sa sumbong, nagkaltas umano ng P9,300 ang pinararatangan mula sa P10,000 na halaga ng financial assistance na natanggap ng tatlong beneficiaries ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Inaasistihan na ng field office ng DSWD sa Northern Mindanao ang mga complainant para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa pangungupit ng ayuda.
Muli naman nagbabala si Dumlao sa mga gumagawa ng pagkaltas sa mga grant na tinatanggap ng AICS beneficiaries na mahaharap ang mga ito sa mabigat na kaparusahan.