DSWD, inaalam na kung may mga Pilipinong posibleng ma-displace sa pagpapasara ng mga POGO sa bansa

Inaalam na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung may mga Pilipinong posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pagbabawal na ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang ikatlong State of the Nation Address.

Sa post SONA discussion na isinagawa sa Pasay City, sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na batay sa kanilang datos, ang marami sa mga nagtatrabaho sa mga POGO ay mga banyaga.


Aniya, nakahanda ang ahensya na tulungan ang mga banyagang ito kung sila ay biktima ng human trafficking.

Nakahanda rin ang ahensya na dalhin ang mga ito sa anti-trafficking centers.

Dagdag ni Gatchalian, sakaling may mga Pilipinong maaaring ma-displace sa pag-ban sa POGO, may umaandar nang mga programa ang ahensya.

Magkakaloob muna sila ng cash assistance para maalalayan ang mga ito sa ilalim ng Assistance to Individual in Crisis o AICS.

Susundan aniya ito ng pagkakaloob ng livelihood assistance para makapagsimula ang mga ito ng maliit na negosyo.

Facebook Comments