Inihahanda na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang special guidelines para mapaigting ang kanilang COVID-19 response at recovery interventions.
Batay sa Bayanihan 2 report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso, kinonsulta ng DSWD ang Joint Oversight Committee ng Kongreso para matiyak na nakalinya ang mga probisyon ng social amelioration measures.
Nakipag-coordinate na rin ang DSWD field offices sa regional offices ng Department of the Interior and Local Government at regional mechanisms ng Inter-Agency Task Force (IATF) para malaman ang mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown para sa maayos na pagtukoy ng low-income family beneficiaries.
Iginiit din ni Pangulong Duterte ang kahalagahan ng pagpapatupad ng Philippine Identification System (PhilSys) para sa mabilis at maayos na pamamahagi ng government emergency benefits.
Mayroon ding emergency subsidy na patuloy na ipinamamahagi sa pamamagitan ng electronic transfer sa mga driver ng jeepneys, UV Express, buses, taxi, transport network vehicle services (TNVS) at tourist transport services na nasuspinde ang operasyon bunga ng lockdown.