Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakahanda ang mga ayuda para sa relief operations tuwing may bagyo.
Ayon kay DSWD Secretary Rolando Bautista, aabot sa P661 million ang standby funds.
Nasa 300,000 ang naka-antabay na Family Food Packs (FFPs), ang iba pang food items na nagkakahalaga ng P250 million at nasa P400 million na non-food items.
Ang lahat ng national government agencies at ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay patuloy ang komunikasyon para sa “unified government approach” sa pagresponde ng anumang kalamidad at sakuna.
Dagdag pa ni Bautista, reponsibilidad ng National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB) na tiyaking may sapat na pagkain at non-food items na maipapamahagi sa mga Local Government Unit (LGU).
Ang mga LGU ang first responders sa anumang kalamidad at responsable para sa disaster preparedness, mitigation at response.
Ang DSWD naman ay magbibigay ng Technical Assistance and Resource Augmentation (TARA) sa mga LGU sa pamamagitan ng pagdadagdag ng kanilang resources na kailangan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong pamilya o indibidwal.